Isa. Dalawa.
Leodevino G. Lopez
May magic daw ang tuta naming si Maxi Boy sabi ng nanay ko. Nararamdaman daw niya kapag parating na ako galing eskwela. Hindi pa man ako nakikita, tatahol na siya’t paikut-ikot na mag-aabang sa gate ng bahay.
Pagdating ko ay pakembot-kembot at patalun-talon niya akong sasalubungin. Ako naman ay yayakap sa kanya at hihimasin ang ulo, leeg, katawan nang buong kaligayahan at pagmamahal.
Araw ng Linggo, maglalakad kami ni Maxi Boy paikot sa subdivision. Pagbukas ng gate ay namamadali siyang tumakbo. Saktong parating ang isang humaharurot na motorsiklo. Dinaanan siyang parang humps. Isa. Dalawa.
Noong araw na iyon, sa murang edad at isipan, nawalan ako ng kaibigan—hindi, nawalan ako ng kapatid. Nawalan ako ng pamilya.
No comments:
Post a Comment