Thursday, December 27, 2012

BA, KA, LA

Assignment namin kay Sir Eugene. Magsulat ng isang sanaysay minimum of 5 pages. Double spaces. Ang topic na na-approve sa mga ni-propose ko ay "homophobia." Haha. Given masyado.

Ang mga isinulat na sanaysay ay ginamit sa workshop ng klase. 



BA, KA, LA
Leodevino G. Lopez



Ang Masigawan sa Lansangan

Alas-dos na yata ng madaling araw noong minsang nakatayo ako sa may Malolos crossing para mag-abang ng jeep pauwing Meycauayan. Kahit mag-isa ako ay hindi naman ako nakaramdam ng karanasang pang-Philippine Ghost Stories, o baka pwede rin, kung papasang horror nga ang naranasan ko noong madaling araw na iyon.

Mabilis lang naman ang mga pangyayari. Nakatayo ako. Dumaan ang isang trak na puno ng mga lalaki sa likod. Ang tantya ko ay mga trabahador sa palengke. Mga nakangisi sila, nagkakasiyahan. Pagtapat sa akin ng trak, sabay-sabay silang naghiyawan.

"Baklaaaaaaaaaaaaaaa!"
Tuloy ang sigawan at tawanan nila hanggang makalayo ang trak. Ako naman ay natulala, gaya ng pagkatulala ng mga naduwende. Maayos naman ang damit ko. Itim na tshirt, maong na pantalon, at rubber shoes. 

Animo'y eksena sa isang indie film, parang nasa iskrip na umihip ang mahamog na hangin. Pagkatapos ay katahimikan, pero lunod pa rin ako sa mga sigaw nila. Bakla. Bakla raw ako. Oo nga, bakla naman talaga ako. Sinabi ko bang hindi?

Dumaan ang pinakahihintay kong jeep na nagsalba sa akin mula sa muntik nang pagkidnap ng duwende. Sumakay ako, nagbayad—isang Meycauayan—at paharurot na ginaygay ang kahabaan ng McArthur Hi-way.

Siniguro kong sa likod ng driver ako nakapuwesto. Itinuro ito sa akin ng karanasan.

Ang Masuntok sa Loob ng Jeep

Kasabay kong umuwi noon ang kaklase kong si Poli. Bakla siya. Galing kami sa practice ng chorale. Medyo napahaba ang ensayo at napagod kaya kumain muna kami sa kainang kamayan. Lumapit ang isang bata at binentahan ako ng sampaguita. Kahit malansa ang kamay, bumili ako ng isang tali at itinago ko sa bag.

Magkatapat kaming naupo sa may bungad ng jeep. Ilang saglit lang ay may sumakay na dalawang lalaki, tinabihan kami ni Poli. Malakas nilang pinag-usapan ang trabaho nila bilang masahista ng mga lalaking artista. Dumukot ng pamasahe ang katabi ko at sinasadyang gumitgit sa akin. Kumunot ang noo ko at hindi ako natuwa. Pinabayaan ko na lang siya't kinausap ang kaibigan ko.

"Poli, may ibibigay ako sa 'yo." Tapos inilabas ko ang sampaguitang binenta ng bata kanina. Natawa siya. At natawa rin ang mga lalaking katabi namin. Nakikitawa, hindi naman kasali.

"Ang ganda naman ng bulaklak mo." Sabi ng katabi ko. Hindi ko siya pinansin at baka kung saan pa mapunta ang usapan kapag pinatulan ko siya. Nagbulungan sila ng kasama niya. Yung kasama siya, may binulong kay Poli. Sumagot si Poli. Sabi niya tanungin na lang daw nila sa akin.

Ano ba ‘yong tatanungin na lang nila sa akin?

Saka ko na lang nalaman pagkatapos ng buong pangyayari na pinapatanong pala ng katabi ko yung number ko. Kung bakit, hindi ko alam. Pero heto ang mga sumunod na eksena.

Kinausap ulit ako ng katabi ko. “Okay ka lang?” Tumango lang ako. “Wag kang matakot.” Sabi niya, tapos hinahawakan niya ako sa braso. Ang gaspang ng kamay. Paanong hindi ako matatakot sa kanya? Pero deadma. Bahala siya. “Bakit hindi ka namamansin?”

“Hindi po tayo close.” Sagot ko na lang.

Ilang saglit lang ay pumara na rin sila.Naunang bumaba yung katabi ko. Bago bumaba yung katabi ni Poli, ang sabi, “Ingat ka.” Tapos sinuntok niya si Poli.
Callboy ba sila? Siguro. Mga adik? Pwede. Hindi ko lang nabanggit kanina pero dalawang beses silang nagbayad ng pamasahe.

Ang Mapagkamalang Bumibili ng Kaligayahan

Nagkayayaan kaming mga kasama ko sa chorale na kumain sa McDonalds. Una akong pumasok para maghanap ng pwesto. Nadaanan ko ang mesa ng isang barkadang nagbubulungan habang nakatingin sa akin.

“Bakla yata eh.” Sabi ng isa.

“Bakla nga yata.” Sabi ng isa pa.

Oo nga, bakla nga ako at hindi ko naman itinatago, gusto ko sanang sabihin. Pero hinayaan ko na lang sila dahil hindi naman ako nagpunta sa McDo para mag-out sa kanila.

Nang makaupo na ako ay sakto namang pumasok ang mga kasama ko. Napatingin sa kanila yung barkadang sumusuri sa akin kanina. Lumapit na sila sa akin at kinausap ako ng isa sa mga kasama kong lalaki. At eto na naman ang mga tsismosa sa kabilang mesa, nagpaparinig na. Marami raw kasi akong pera kaya sa akin sumasama.

Gaya ng nakasanayan, hindi ko sila pinansin. Tuloy ang kain, kahit alam kong isang grupo ng mga mata ang nakatingin sa akin na parang nag-aabang ng isang maling galaw para makumpirma kung anuman ang hypothesis nila, hanggang sa umalis silang bigo.

Umalis na rin kami matapos kumain at magkwentuhan nang kaunti. Sa labas ng McDo ay may nakalaang mga mesa para sa mga naninigarilyo. Nang mapadaan ako ay nakarinig ako ng sipol, yung sipol na ginagamit sa seksing babae. Siguro dahil naka-shorts ako noon, pero tennis shorts naman yon ng tatay ko at hindi p*** shorts.

Ang Maharana ng Tindero ng Fishball

Kasama ko ang kaibigang si Anne nang kumain kami ng kwek-kwek sa tabi ng kalsada. Isang hilera silang nagtitinda ng mga street food sa Malolos. Gabi na noon at kaming dalawa lang ni Anne ang nandoon. Pagdaan ko sa tindahan ng fishball, bilang bumanat ng kanta si kuya:

Ako’y isang sirena.
Kahit ano’ng sabihin nila, ako ay ubod ng ganda.
Ako’y isang sirena.
Kahit ano’ng gawin nila, bandera ko’y ‘di tutumba.

Sirena by Gloc-9. Ang alam ko, ang kantang iyon ay pagtatanggol sa mga bakla, pero parang may halong panunuya ang pagkanta ni kuya. Aba teka. Parang hindi na ako natutuwa. Mayaman, mahirap, may pinag-aralan, o elementary lang ang natapos, parang pare-pareho lang sila ng pagtingin. Kailangan ko na siguro silang pansinin.

Lumapit ako kay kuya, sinigurong nasa akin ang atensyon niya, at kinanta ko ang parteng rap.

Lumipas ang mga taon, nangagsipag-asawa
Aking mga kapatid, lahat sila'y sumama
Nagpakalayo-layo ni hindi makabisita
Kakain na po itay, nakahanda na'ng lamesita
Akay-akay sa paglakad paisa isang hakbang
Ngayo'y buto't balat ang dati matipunong katawan
Kaya sa iyong kaarawan, Susubukan kong palitan
Ang lungkot na nadarama, wag na po nating balikan
Kahit medyo naiinis hindi dahil sa nagka-cancer
Kasi dahil ang tagapag-alaga mo'y naka-duster
Isang gabi, ako'y iyong tinawag, lumapit
Ako sa'yong tabi ika'y tumangan, kumapit
Ka sa aking kamay kahit hirap magsalita
Anak, patawad sana sa lahat ng aking nagawa
‘Di sinusukat ang tapang at ang bigote sa mukha
Dahil kung minsan mas lalaki pa sa lalaki ang bakla

Tinapos ko ang rap nang may diin sa huling linya. Natulala si kuya. Sabay walk-out akong taas noo at may dangal sa sarili.

Ganoon. Ganoon sana ang gusto kong gawin pero gaya ng nakagawian—hay palagi na lang—yung pag-walk-out lang ang nakaya kong panindigan.

Ang Madiktahan ng Natural Law

Minsan, gusto kong sisihin ang mga kastila sa kasalukuyang pananaw ng Pilipino sa mga bakla, dahil sa loob ng tatlong daang taon ay napagtagumpayan nilang ibaon sa buto, sa laman, padaluyin sa dugo ang pagiging relihiyoso at papaniwalain tayo na ang biblia lamang ang katotohanan. Wala raw ginawa ang Diyos na bakla. Lalaki at babae lang. At matakot daw kami sa nangyari sa Sodom at Gomorrah. Oh, Lord.

Ang turo sa amin noon sa Philosopy, imoral ang lahat ng bagay na sumasalungat sa natural law. Ibig sabihin, dapat ay gamitin lamang ang mga bagay na likha ng Diyos ayon sa pagkakadisenyo nito. Halimbawa, ang pakikipagtalik ng lalaki sa kapwa lalaki ay hindi tama dahil nagagapi ang pinakalayunin ng pagtatalik: ang pagpaparami ng lahi.

Noong nakaraang taon ay naglabas ng libro ang CBCP na may pamagat na “Homosexuality and the Catholic Church.” Ang sabi, hindi raw masama ang pagiging bakla; ang masama ay ang homosexual acts. Kasi nga, labag ito sa natural law.

Mahirap talagang kalaban ang dalawang libong taong paniniwala.

Kapag kaya nagdasal ako sa Diyos at hiniling na sana ay huwag na akong husgahan ng mga tao dahil sa pagiging bakla ko, pagbibigyan kaya Niya? Paano kung ang isagot niya ay, “Anak, pagsisihan mo ang iyong kasalanan at magbalik-loob ka sa akin.”

Wala na. Tapos na ang boxing kapag nagkaganoon.
Ang Ba, Ka, at La

Bago pa man dumating sa bansa ang mga kastila at ipakilala sa ating mga ninuno ang Kristiyanismo, mayroon na tayong sariling sitema ng relihiyon, pulitika, at wika. Ang sinaunang paraan ng pagsusulat ay tinatawag na baybayin, na sinasabing ang bawat titik ay pictograph at mayroong kahulugan.

Kung susuriin ang salitang bakla at isusulat sa baybayin, ito ay binubuo ng ba, na mula sa imahen ng dibdib ng babae; la, na mula sa imahen ng ari ng lalaki; at ang nasa gitnang ka, na nagpapakita ng ugnayan, kaya sa tagalog ay mayroon taong unlaping ka- (katrabaho, kamag-aral, kaibigan, kasambahay). Ibig sabihin, ang bakla ay literal na nangangahulugang babae at lalaking pinagsama.

Sa kabilang banda, gustung-gusto ko ang alamat ng bakla na isinalaysay ni Ricky Lee sa kanyang nobelang Amapola, kung saan ipinapaliwanag ng bidang si Amapola sa batang si Truman na ang salitang bakla ay bigay ni Bathala mula sa ba, ka, at la—o pinaikling bahagi ka ng lahat.

Kailan kaya ito maisasapelikula?

Ang Ma-Stereotype ng Media

Sa mga pelikula, gaya ng mga pelikula ni Dolphy (SLN), ang mga karakter na ginampanan niya bilang bakla ay pinagtatawanan, ginagawang comic relief. Isipin niyo na lang na bukod sa makapal na make-up, humahampas na balakang, at pagiging parlorista ay naging kabayo pa ang bakla sa pelikulang Petrang Kabayo na unang ginampanan ni Roderick Paulate at nagkaroon pa ng remake na ginampanan ni Vice Ganda.

Sa radyo at telebisyon, lagi at lagi nang ipinakikilala ang mga bakla bilang tsismoso bilang sila ang madalas na nasa showbiz talk show na nagbibigay ng mga blind item. Dahil nga ito marahil sa stereotype na ang bakla ay nasa parlor at nandoon ang sentro ng mga sabi-sabi at anas-anasan.

Kaya nga masaya ako at noong 2009 ay ipinalabas ang pelikulang In My Life na pinagbidahan nina John Lloyd Cruz at Luis Manzano. Magandang simulain ito tungo sa pagbabago ng pananaw at mailabas ang mga bakla sa kahon ng pagiging comic relief o tsismoso lamang.
Dumarami na rin ang mga nalilimbag na aklat tungkol sa mga bakla gaya ng Rampa, Buhay Bading, Gaydar, at marami pa—at siguradong mas dadami pa nang todo, sa taas ba naman ng linguistic intelligence ng mga kapatid sa pananampalataya. Pangarap kong makapagbahagi ng sarili kong akda sa isa man lamang sa mga aklat na ito.

Ang Ma-Inspire ng Vision

Kung uupo ako ngayon sa harap ni Boy Abunda at ihaharap niya sa akin ang pamosong magic mirror, eto ang itatanong ko sa aking sarili: Ano ang nakikita mong kinabukasan para sa mga bakla sa Pilipinas?

Wow. Deep. Pero sige, panindigan.

Nais kong masaksihan ang isang Pilipinas na mayroong baklang opisyal ng gobyerno, para naman masabing may representative talaga kaming ipaglalaban ang karapatan at gagawa ng batas para sa kapakanan at kaligayahan namin. Kahit same-sex marriage muna.  Ang sabi, may bakla naman daw talaga sa senado at konggreso, pero titigil na ako dahil ayoko ngang ma-brand na tsismoso ang bakla. Hintayin na lang nating mamulaklak ang mga halaman sa sarili nilang panahon.

Maganda rin siguro kung magkakaroon ng mga kilalang baklang manggagamot, manananggol, inhinyero, at marami pang iba, dahil natural na matalino at talentado ang bakla. Hindi nakakahon sa mga beauty parlor at comedy bar. Hindi basta na lang nasisigawan ng “bakla!” Hindi nasusuntok sa jeep. Hindi pineperahan. Hindi bumibili ng pagmamahal. Hindi nakakantahan ng Sirena, ng Barbie Girl, o ng This Guy’s In Love With You, Pare.

Sa makatuwid, nais kong makita ako, kaming mga gaya ko, bilang normal ding mamamayan gaya ng mga babae at lalaki. Bilang tao.

Bilang bahagi ng lahat.


5 comments: