Gulat ba kayo na tumbalelong si Manny Pacquiao sa round 6? Na-flood kaya yung wall ko ng mga kemeng ganito:
...pero note muna: magko-comment ako. Ahihi. Blog ko ito eh.
Status:
kahit na anong mangyari wala na dapat patunayan c Manny Pacquiao.. alam nio yan..hihihi :)
Ako: Oo. Manny Pacquiao na 'yan eh. First eight-division world champion. Ano pa ba. Hihihi rin. With smiley. :) #alamngaaminyan
Status:
Talo man si Manny Pacquiao atleast saved ang soul niya :)
Sabe nga it just "JUAN" Mexican knocked him down. But "MANNY" Mexican got fell in Pacquiao's arm. #ProudFilipino #ProudChristian
Ako: Oo. It just "JUAN" Mexican. Oo. "MANNY" Mexican got fell. Oo, masusuntok na ako at mano-knock-out hindi pa man lagpas ng 10 seconds sa round 1. #freedomofexpressionbakitba
Status:
omg talo si pacman. isang sapak taob. iyak nang iyak c jinkee.
Ako: Oo. Kudos for using the nang na mahaba. Isa kang tunay na Filipino. Walang echos 'yan. Oo. Siyempre iiyak si Jinkee. Asawa niya 'yon eh. Tsaka due na yung tatlo sa pitong credit card niya. Uy, eto echos lang ha. Hahaha. Play safe. #iwascybercrimelawviolation
Status:
Nakita ko lang sa Twitter. As usual, paandar na naman sila. Haaaaay. PAANDAR! RT @ABSCBNNewsSport Judges scored it 117-111, 119-109, 118-110. Miguel Vazquez wins via unanimous decision and retains his IBF lightweight title. #PacMarquez
Ako: Oo. Ganito 'yan, folks. Naiinis siya kasi hindi pa man nagsisimula ang laban sa channel 7, binalita na agad ng 2 na natalo si MP. Eh gano'n talaga. Labanan sa ratings eh. May nanood ba ng Praybeyt Benjamin? #itaasangkamayplease
Status:
Sa uulitin, ayos lang na talo si Pacquiao. Wala naman sa ring ang totoong laban. Tinanggap nya ang Diyos sa buhay nya, dun pa lang, panalong panalo na sya!
Fight the good fight of faith Pacman! We, your brethren, are so proud of you! :)
Ako: :) (lol smiley lang?!) #:) (smiley pa rin?!)
Status:
sdfghjkljnbvftyuikjnbvgftyujik
Ako: akelcohcenuhna.
Akala niya hindi ko alam ang language niya ha. Sabi niya, "Kapana-panabik ang palitan ng suntok, dagok, at tama ng kamao sa iba't ibang bahagi ng katawan ng dalawang magkatunggali. Talsikan ang magkakahalong pawis, dugo, at pagnanasang mag-uwi ng karangalan para sa bayan. Bumagsak man labanan ay mananatili pa ring nakatindig ang aming respeto sa natatanging alagad ng palakasan. Mabuhay ka, Manny Pacquiao!"
Ang sinagot ko, "Go."
Oo. May nag-status talaga ng ganun kanina. In-assume ko lang na MP related bilang trending naman si MP today. #asdfghjkl
Status:
Wag ka mag-alala Pacman. Pag naaalala kong naakbayan moko dati backstage of MMP, kinikilig padin ako. Hahahaha!
Ako: Oo. Regulahan mo siya ng malunggay cake, malunggay ice cream, tsaka hinimay-himay na malunggay leaves para ilalagay na lang niya diretso sa tinola. Favorite niya ang malunggay forever. #malunggayforgandapoints
Status:
Ang Lupang Hinirang, march. Hindi pambirit. Shunga lang?
Ako: Oo. Huwag masyadong mainit, 'te. #shungacouldbeartisticlicense
Status:
Ayan na naman yung mga status na paulet ulet ulet ulet ulet uet. Kaumay! Atchara please. :)
Ako: Oo. Wala tayong magagawa. Expect mo rin ang paulet ulet ulet ulet ulet ulet na mga status sa birthday mo. #isanggarapongatsaraforyou
Status:
Nun pacquiao-marquez 3 nag rereklamo kayo na dpat panalo si marquez.. Ngayon panalo na sya d nio mtngap xD hahah gulo ng utak ng pinoy
Ako: Oo. Ganyan talaga. Kapag mahal mo, may mahay na iba. Kapag mahal ka, hindi mo naman mahal. Kapag mahal ng friend mo, sa 'yo naman may gusto. Napunta sa lovelife? lol. #utakngpinoymorefuninthephilippines
Status:
JGH. Talo si Pacquiao! Late reaction. Lol.
Ako: Oo. Keri lang. Abot ka pa naman for the day. #nottoolate
Status:
Ang tao parang lata. Maingay kapag walang laman.
Ako: Oo. Manny Pacquiao nga eh. Bad vibes ka naman. Saka ka na humirit ng mga pasaring-feeling-philosophical-effect na status. Ibigay na muna ang moment kay MP. #MPlightsgawinmonglight
Status:
'.. A relationship where we can act like idiots, talk about the most random stuff, share music and never get tired of each other ♥ '
Ako: Oo. Isa ka pa. MP nga muna eh, lumo-lovelife ka naman on the side. #bitterakohaha
Marami pa akong gustong idagdag, pero feeling ko naman okay na ito at naiintindihan niyo naman na ako.
Anyway, alam ko, hindi tayo sanay na natatalo si MP sa mga fight niya. At dahil kakaiba ito sa atin, na-inspire ako nang bahagya. Hayaan niyong isalaysay ko ang aking "take" kung bakit siya na luz valdez:
Matapos ang ilang buwang matinding pagsasanay ay humantong na nga sa araw na ito ng kanyang laban sa Mehikanong si Juan Manuel Marquez. Ikaaapat na beses na nila itong paghaharap kaya't nakatitiyak ni Manny na kayang-kaya niyang mapagwagian ang sagupaang ito. Tandang-tanda ni Manny ang mga nagdaan niyang laban kay Marquez na parang kahapon lamang nangyari ang lahat. Madali pa ring nahugot mula sa ala-ala ang madadalas na suntok, galaw ng paa, at paraan ng paglusob at pagdepensa. Matalinong atleta si Manny. Hindi na mauulit ni Marquez ang naipuntos niya dito.
Tumunog na ang kampanang hudyat sa pagsisimula ng unang round. Malakas ang kumpyansa ni Manny. Mano-knock-out niya si Marquez.
Akma nang magpapakawala ng matinding suntok si Manny nag biglang nag-black and white ang buong paligid at parang kuha sa kamerang tumigil ang lahat. Pinalibutan si Manny ng nakabubulag na liwanag at isang malamig at malambing na tinig ang nagwika, "Anak, tama na."
Napailing ang boksingero. Noon pa siya binubulungan ng tinig na ito. Ang sagot niya'y huli na ito. Isang laban na lang. Huling hirit para sa bayan. Para sa Pilipinas. Pinalagay niyang pinagbigyan siya ng tinig subalit hindi niya ikalanag hanggang sa pinakaoras ng kanyang laban, kung kailan nasa loob na siya ng ring at pinapanood ng buong mundo ay magpaparamdam pa rin ang tinig na ito.
Tututol pa sana siya subalit nanumbalik na ang kulay ng paligid at muling nagpatuloy ang paglakad ang oras. Siya, nasa ring, kaharap si Marquez na determinado ring makamit ang titulo bilang kampyon. Subalit inuusig na siya ng konsensya. Tama ang tinig. Ito, itong nangyayaring ito ngayon, maling-mali. Hindi dapat nagsasakitan ang kapwa, habang ang mga manonood ay nagkakasiyahan, nagsusugal, umiinom, tumitigil sa paghahanap-buhay.
Nawala ang konsentrasyon ni Manny sa laban. Sunud-sunod siyang tinapunan ng mga suntok ng Mehikano. Sa bewang, sa dibdib, sa panga, kung saan tamaan, kung saan umabot ang kamao. Hindi naman nagpahuli si Manny. Mabilis pa rin ang kilos at nagagawang dumepensa, salamat marahil sa "muscle memory." Paminsan ay gumaganti rin ng bira, sapat lamang upang hindi masayang ang binayad ng mga isponsor at ng mga manonood.
Hanggang sa umabot ang bakbakan sa ika-anim na round.
Wala nang saysay pa para kay Manny ang kabalbalang ito. Nakita niya. Kitang-kita niya ang bwelo ni Marquez, ang bwelo para sa isang suntok na siyang tutuldok sa maruming kalakaran ng pananakit sa kapwa. Buo na ang kanyang pasya. Tatanggapin niya ang suntok, kahit alam niyang maaari siyang masaktan, mawalan ng malay, o di kaya'y permanenteng maapektuhan ang utak at masira ang pag-iisip.
Lumapat ang kamao sa mukha ni Manny. Diretso. Asintado. Solido. Bumagsak nang padapa. Namuti ang paligid at unti-unting nawala sa pandinig ang sigawan ng mga nanonood. Sa wakas. Kapayaan. Alam niyang hindi na siya makababangon na nangangahulugan ng pagkatalo. Maraming Pilipino ang mabibigo, tiyak niya, subalit maiintinidihan din nila balang araw na ang kanyang ginawa...ay isang sakripisyo alang-alang sa kapakanan ng lahat.
Gaya ni Ninoy Aquino.
Gaya ni Jose Rizal.
Gaya ni Pedro Calungsod.
Gaya ng lahat ng nagbuwis ng buhay para sa kapwa, mula sa kasalukuyan, pabalik noong nakaraang dalawang libong taon, noong may isang nag-alay ng sarili sa kaligtasan ng sangkatauhan.
---
Shet. Napahaba yung kwento ko. Marami sana akong takes sa pagkatalo ni Manny, puro mga jokes, mostly. Sayang. Pero dahil nasa mode pa rin ako ng malikhaing pagsulat, eh ayan. Pasensiya.
Samantala, ikaw ba anong take mo sa pagkatalo ni MP? Bakit kaya siya na luz clarita? Share the chika by posting on the comment section below.
sdfghjkljnbvftyuikjnbvgftyujikol,.
ReplyDeleteakelcohcenuhna.
DeleteLOL. Guilty.