Nagsimulang mabuo ang konsepto ng aking final project para sa subject na MP215 noong napansin kong ginagawa ang katapat na bahay. Higit sa imahe ng mga hubad na karpintero, ang talagang kumuha ng aking atensyon ay ang pinakakaisipang pinalalaki na nila ang kanilang tahanan. Siguro’y lumalaki na ang pamilya, o lumalaki na ang kita dahil mga nagsipagtrabaho na rin naman ang mga kababatang dati’y kalaro lamang ng patintero, kaya’t naisipang palagyan ng taas ang dating bunggalong may katulad na plano ng bahay namin at ng mga kahilera nito.
Hindi naiwasan ang mainggit, at sumagi sa isip ang tanong kung kailan naman darating ang sandaling patataasin din ang sariling bahay. Ngunit habang hindi pa ito naisasakatuparan, nagkasya na lamang sa pagtingin sa internet ng mga larawan ng mga kondominyum na parang kabuteng nagsusulputan sa bansa, lalo na sa Maynila.
Sa kalagitnaan ng pag-browse ng mga larawan, saktong nag-message sa Facebook ang isang kaklase sa subject na MPs 215, tinatanong kung mayroon na akong naisip na gagawin para sa final project ng nasabing asignatura. Eureka! Iyon na. Naisip ko, gagawa ako ng isang akdang may kinalaman sa mga bahagi ng bahay.
Subalit hindi pa malinaw noon kung tungkol saan o ano ang magiging paksa ng akda. Basta’t kailangang konektado ito sa listahan ng mga bahagi ng bahay. Naalala kong ipinagdiinan ni Sir Eugene Evasco na ang mag-aaral ng Kolehiyo ng Arte at Literatura, lalo na ng Malikhaing Pagsulat, ay dapat na may pag-iisip na makabayan, na hangga’t maaari ay mayroong social relevance. Kaya’t sige, alang-alang sa social relevance, papaksain ko ang dalawang pangunahing isyung kinakaharap ng bawat ordinaryong mamamayang Pilipino sa kasalukuyan: edukasyon at kahirapan.
Hindi maikakaila ang mahigpit na ugnayan ng dalawang ito sa buhay ng mga Pilipino. Isang buwan pa lamang ang nakakaraan, isang malungkot na pangyayari ang nagdulot ng matinding ingay sa Unibersidad ng Pilipinas. Noong March 15, 2013, umalingawngaw ang balitang pagpapakamatay ni Kristel Tejada, mag-aaral sa UP Manila, dahil umano sa pagpipilit ng paaralang mag-file ito ng Leave Of Absence o LOA dahil hindi pa nito nababayaran ang balanse ng tuition fee noong nakaraang semestre. Balitang nakailang balik sila sa opisina ng unibersidad upang makiusap na tanggapin ang mag-aaral ngunit nanatiling matigas ang administrasyon sa kanilang desisyong mag-file muna si Tejada ng LOA hangga’t hindi bayad ang kanyang balanse. Ito nga ang sinasabing gatilyo na nag-udyok sa kanyang kitlin na ang sariling buhay.
Sari-saring opinyon ang naglabasan sa iba’t ibang media gaya ng pahayagan, online news portal, at social networking sites hinggil sa balitang ito. Mayroong nagsabing kasalanan ito ng UP at tila UP na rin ang pumatay kay Tejada. Mayroon din namang nagsabing ang problema ay nasa pag-iisip niya. Subalit sino man sa kanila ang pinakamalapit sa katotohanan, hindi maiwawaksi ang ideyang nagiging hadlang ang kahirapan sa pagkamit ng edukasyon na dapat ay isang karapatan at hindi pribilehiyo.
Gamit ang kwento ni Tejada bilang inspirasyon, at gamit ang mga bahagi ng bahay, kahirapan at edukasyon bilang elemento ng akda, ito ang aking naging proposal sa klase ng MPs 215 bilang aking final project:
Gagawa ako ng mga proyekto sa Edukayong Pantahanan at Panlipunan o EPP. Ang EPP ay bagong subject sa elementarya na kabilang sa kurikulum na K+12 na sinimulan nang ipatupad sa mga paaralan sa Pilipinas noong nakaraang taon. Ang aking akda ay bubuuin ng tatlong mag-aaral na mula sa iba’t ibang antas ng lipunan. Ang instruction ng guro ay kuhanan ng litrato ang mga bahagi ng sariling tahanan at bigyan ang mga ito ng maikling paglalarawan.
Sa pisikal na disenyo, ang unang proyekto ay malinis at computerized ang pagkakagawa. Makikitang ang mga bahagi ng bahay ay maganda at halatang pangmayaman dahil sa mga gamit at muwebles at ang tahanan ay mayroon pang sariling silid-aklatan. Ang paglalarawang ibinigay ng mag-aaral ay tipid at kinopya lamang mula sa libro.
Ang ikalawang proyekto ay malinis din naman at computerized. Bagama’t ang ikalawang bahagi ng bahay ay marumi at makalat, hitik naman ang bawat bahagi sa deskripsyon at personal na kwento ng mag-aaral na gumawa ng proyektong ito.
Ang ikatlong proyekto ang pinakakakaiba sa lahat. Ang pagkakagawa ay madungis. Imbis na mga larawan, iguguhit ng mag-aaral ang mga bahagi ng tahanan, sapagkat ang kanilang bahay ay isang kwadradong espasyo lamang, ngunit pipilitin ng mag-aaral na mag-enumerate ng maraming bahagi ng tahanan sa pamamagitan ng representasyon. Halimbawa, upang ipakita ang kanilang silid-kainan, iginuhit ng mag-aaral ang tatlong plato at ipinaliwanag na ang isa ay para sa kanyang ina at bunsong kapatid, ang isa ay para sa mga nakababatang kapatid na kambal, at ang isa ay sa para sa kanya. Sinuman sa kanila ang unang matapos kumain ang siyang platong gagamitin ng ama upang ito naman ang makakain.
Ang tatlong proyekto ay may check na ng guro at ang ikatlong proyekto ang may pinakamababang marka. Maaaring sabihin ng iba na ito ay mali, na dapat pa nga ay ang ikatlong proyekto ang dapat na may pinakamataas na marka dahil sa pagiging maparaan nito. Dagdag pa, dapat ay mataas ang markang makuha nito para ipakitang hindi hadlang ang kahirapan upang makamit ang edukasyon. Subalit ito nga ang ideyang gusto kong kuwestiyonin. Ayokong i-sugarcoat ang realidad sa pamamagitan ng pagsasapositibo nito. Ang nais kong ipakita ay ang masakit na katotohan—na sa mundo, o kahit sa Pilipinas na lang, kapag ang tao ay walang pera, hindi siya makakakuha ng sapat na edukasyon; na mayayaman o mga may kaya ang mas nakikinabang; na ang kahirapan ay talagang hadlang sa halos lahat ng bagay kabilang na ang karapatang makapag-aral at makapagtapos.
Tungkol sa mga eksperimentong tinangka ng akda, mas makabubuti sigurong tingnan muna kung paano ko naunawaan ang konsepto ng pagiging eksperimental sa panitikan.
Noong isinalang ako sa workshop sa klase ng MPs 215 ay inatasan akong gumawa ng isang non-linear na kwento. Naging bunga nito ang Minsan, Sa Isang Fanpage ng Pamprobinsyang Beauty Pageant kung saan ang ginamit na form ay isang Facebook fanpage. Doon umusbong ang suliranin kung nasaan ba ang hangganan ng pagiging isang kwentista at pagyakap sa napiling porma. Ipinaliwanag ni Sir Vlad Gonzales na pagdating sa usapin ng pagiging eksperimental, mas malapit sa form, mas maganda.
Upang higit na maunawaan ng klase ang ganoong punto, ipinabasa niya ang Reunion ni Yohanne Zapata. Katulad ng aking piyesa, ginamit din ni Zapata ang Facebook bilang form ng kanyang akda, subalit malaki ang pagkakaiba ng aming mga gawa lalung-lalo na sa anyo sapagkat ang kanya’y malapit na malapit sa form ng Facebook.
Noong mabasa ko ang Reunion, doon ko lubusang naunawaan ang sinasabi ni Sir Gonzales na pagiging “sagad” sa form, dahil ang pag-eeksperimento sa panitikan ay pagsubok sa kakayahan ng mga salita na makatayo nang sarili sa kanilang ginagalawang anyo. Kasama rin sa pag-eeksperimento ang pagtitiwala sa talino ng mga mambabasa na maunawaan ang mensahe ng akda nang hindi na ito direktang ipinapaliwanag pa.
Kaya naman sa proposal ko para sa final paper, hinayaan ko na ang form ng mga proyekto sa EPP na makatayo nang sarili at hindi na umasa sa mahabang naratibo. Pagtiwalaan ko ang mga mambabasang makuha ang mensahe sa pamamagitan pa lamang ng pagkakaiba-iba ng mga output ng tatlong estudyante at ng marka ng mga ito.
Upang mas maging tapat sa napiling anyo, iminungkahi ni Sir Gonzales na ipa-drawing ko sa totoong grade 4 ang pangatlong bahay. Swerte namang grade 4 na sa pasukan si Nim, kapatid ng isang kasamahan sa choir. Ipinagaya ko sa kanya ang mg mga bahagi ng tahanang iginuhit ko sa notebook, at ipinasulat ang mga paglalarawan dito.
Gumamit ang piyesa ng paraang paglilista (sa kaso ng akda ay paglilista ng mga bahagi ng tahanan). Ang paglilista ay ginagawa upang ipahayag na ang bawat nakalista ay mahalaga at hindi dapat kalimutan.
Katulad ng Sa Kanto Ng Annapolis At Aurora ni Rolando Tolentino, ginamit sa Mga Bahagi ng Tahanan ang mga siklo ng pag-uulit ng mga bahagi ng akda, at sa bawat siklo ay may nababago, nadaragdagan, o nababawasan. Sa bawat pag-uulit, mapapansing ang sitwasyon ay papangit nang papangit o pabulok nang pabulok—isang napakamabisang device upang ipamulat ang suliraning sa katagalan ng panahon ay nakuha na lamang na makasanayan.
Mapapansing ang unang proyekto ay naka-ring bind, ang ikalawang proyekto ay naka-sliding folder, at ang ikatlo ay naka-ordinary folder na hatalang gamit na dahil binaligtad lamang ang pagkakatupi nito at makikita sa ilalim ang mga butas ng staple wire na dating nakakabit dito. Sa pisikal na anyo pa lamang ng pagkakaiba-iba ng folder, kaledad ng pagkakaprint at pagkakaguhit ay makikita na ang kakayahan ng salapi at kung paano nitong ginagawang madali o mahirap ang gawain para sa isang tao.
Pinilit kong maging consistent sa pagkakaiba-iba ng antas ng lipunang kinabibilangan ng mga mag-aaral sa maging sa maliliit na detalye gaya ng kanilang mga pangalan. Ang paggamit sa apelyidong Dimagiba para sa pangalan ng guro ay isang malay na tangka rin upang ipakita na ang sistema ng ating edukasyon, magpalit man ng kurikulum o hindi, ay hindi kaagad na mababago lalo’t kung patuloy na magiging hadlang ang pinansyal na hamon sa bawat mamamayan.
Sa kabuuan, ang pagsulat ng akdang Mga Bahagi ng Tahanan ay isang masayang karanasan. Hindi malayong magtangka akong magsulat ng marami pang eksperimental na panitikan dahil ang maganda rito, bukod sa hindi gaanong text-heavy gaya ng tradisyunal na sanaysay at maikling kwento, nabibigyang kalayaan ang mga mambabasa na gawan ng sariling interpretasyon ang mga simbolismong nakapaloob sa akda, at nabibigyan ang mga mambabasa ng pagkakataong makapili ng katotohanang nais nilang panigan, dahil ganoon naman talaga sa totoong buhay.
Ibig sabihin, isang beses kang magsulat, makakagawa ka ng di mabilang na akda.
Sir Idol!
ReplyDeleteNgayon ko lang nakita ito. Ginagamit pa rin pala ni Sir Vlad ang aking akda sa kanyang mga klase. Salamat sa pagsulat! :)
ReplyDeleteAng galing kasi ng gawa mo eh. Apir! Buti nadaan ka dito sa blog ko. In-add pala kita sa FB. Hihi. #fan #idol #kabog #facebook #eksperimental
Delete